Kasabay ng simo'y ng hangin at pagaspas ng mga dahon
Alaala ng nakaraang niluma ng panahon
Habang sa ugoy ng duya'y di umaahon
Muling sariwain ang matamis na kahapon.
Alaalang kay ganda, dulot saki'y ligaya
Isang gabi ng saya, oras ay 'di alintana
Bukang-liwayway sa bintana'y makikita
Nakaraang gabi pala'y isa na lamang gunita.
Parang kailan lang, mga buwan ay lumipas
Mga larawan mo'y nabubulok, naaagnas
Isang yugto sa buhay, 'di na muling magbubukas
Tulad ng mga dahong sa ihip ng hangi'y nalalagas.
Ngunit bakit kalungkutan ang sa akin ay hatid
Mga oras at sandali'y tila 'di mapapatid
Bawat kisap ng mata, luha ay 'di lingid
'pagkat ikaw pa rin ang tinitibok nitong dibdib.
Damdaming ito ba'y kailan magwawakas
Mga sugat na humilom, naiwa'y mga bakas
Akin pa bang aasahan, pangako ng bukas
At patuloy na kumapit sa mga salitang tila hiyas.
02 December, 2008
Sa Pag-ihip ng Hangin at Paglagas ng mga Dahon
Posted by Mike at Tuesday, December 02, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
tagalog gid ya?
ilonggo naman da beh!! hehehe
Post a Comment